Credible ang Tatlong Whistleblower na umaming minanipula nila ang resulta ng eleksyon sa Quezon Province kung saan pinaboran ang ilang kandidato ng Liberal Party.
Ayon ito kay Senador Serge Osmeña na nagsabi ring mukhang bahagi ng mas malawak na dayaan sa nagdaang eleksyon ang ibinulgar na manipulasyon ng Tatlong Whistleblower.
Giit ng Senador na wala ng saysay pa ang magdaos ng halalan kung magkakadayaan lang.
Para kay Osmeña, mahalagang maisailalim ang mga ibinulgar ng Tatlong Whistleblower sa masusing imbestigasyon lalo na’t tinukoy ng mga ito ang taga-Liberal Party na nag-utos sa kanilang gawin ang manipulasyon sa resulta ng eleksyon sa Quezon Province.
Naniniwala si Senador Serge Osmeña na dapat baguhin ang Automated Election Law sa bansa dahil wala umanong transparency na magpapakita sana kung tama ba o hindi ang bilangan ng boto.
Ayon kay Osmeña, inaaral na nang husto ang sinasabing manipulasyon sa resulta ng eleksyon noong Mayo 9.
Nagpakomplikado, aniya, ang pagiging automated na nakaraang halalan.
By: Avee Devierte