Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na naresolba na nila ang 3 sa high profile cases na kanilang tinututukan.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin na kasama sa mga kasong ito ang pamamaslang sa New Zealander na si Nicholas Peter Stacey; pamamaril kay San Carlos Barangay Captain Vivencio Palo ng Lipa City; at pamamaril kay Lanao del Sur Governor Bombit Adiong.
Sinabi ni Azurin na naaresto at nasampahan na ang mga suspek na umano’y nasa likod ng krimen.
Sinasabing pinakahuli na nga dito ang pagkakaresto sa 3 suspek sa ambush kay Gov. Adiong sa Bukidnon nitong Biyernes.
Kasabay nito, sinabi ni Azurin na hindi pa naman itinuturing na case solved ang ambush kina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at 5 iba pa sa Sitio Kinacao, Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Subalit may persons of interest na umano ang PNP sa krimen at ang motibo na tinitignan nila ay ang business rivalry.