Patay ang tatlong (3) hinihinalang carnapper na naka-engkuwentro ng mga tauhan ng anti carnapping unit ng Quezon City Police Department (QCPD) sa Novaliches, Quezon City.
Dead on arrival sa Nova District Hospital ang tatlong hindi pa nakilalang lalaki na pawang nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sinabi ng QCPD na rumesponde sila sa tawag ng isang lalaki na natangayan ng motorsiklo habang kumakain sa General Luis St., Barangay Nagkaisang Nayon.
At habang nagpapatrolya ay naispatan ng mga pulis ang mga suspek na sakay ng dalawang kahina-hinalang motorsiklo at kaagad pinaandar ang motorsiklo, nakipaghabulan at nakipagbarilan pa sa mga awtoridad nang sitahin nila.
Bukod sa dalawang walang plakang motorsiklo, tatlong baril din ang narekober ng mga awtoridad sa mga napaslang na suspek.
By Judith Larino