Nilamon ng apoy ang 50 kabahayan at dalawang establisyimento sa tatlong insidente ng sunog sa Metro Manila ngayong araw na ito.
Ayon sa mga otoridad, inabot ng ikalawang alarma ang nasabing sunog sa Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City na nakaapekto sa 15 pamilya roon.
Hindi kaagad naapula ang apoy dahil sa kipot ng kalsada na sinabayan pa ng mahinang pressure ng tubig mula sa Maynilad.
Isang ready to wear at celfon accessories stall naman sa Kapitan Ambo Park Avenue, Pasay City ang nasunog na iniimbestigahan pa ng mga otoridad partikular ang pinagmulan at kung magkano ang pinsala rito.
Samantala, nasunog din ang Judiciary Data Center Room sa ground floor ng gusali ng Korte Suprema sa Padre Faura, Maynila.
Sinabi ni Atty. Brian Hosaka, Spokesman ng Korte Suprema na nagsimula ang sunog alas-6 ng umaga sa UPS ng data center ng SC Management Information Systems Office at nagdulot ng matinding trapiko sa Padre Faura St. na pansamantalang isinara sa mga motorista.