Tatlong (3) kalsada ang isasara ng Manila District Traffic Enforcement Unit para sa mga motorista sa darating na Linggo, Enero 7.
Ito’y para bigyang – daan ang isasagawang prusisyon ng mga replica ng poong Itim na Nazareno bilang bahagi ng taunang Traslacion nito sa Enero 9, Martes ng susunod na linggo.
11:00 pa lamang ng umaga sa nabanggit na araw, sarado na ang southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza o Fugoso hanggang Plaza Miranda.
Gayundin ang eastbound lane ng Recto Avenue mula sa Rizal Avenue hanggang Loyola at westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma.
Magsisimula sa Plaza Miranda ang prusisyon bago ito kakaliwa sa Quezon Boulevard hanggang sa makabalik sa Basilica Minore o simbahan ng Quiapo.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga motorista na patungong Quezon Boulevard na kumanan sa Fugoso at kumaliwa sa Rizal Avenue.
Kung magmumula naman sa Divisoria patungong Claro M. Recto, dapat kumanan sa Rizal Avenue habang papayagan namang kumanan sa Claro M. Recto ang mga dumaraan sa SH Loyola mula Balic-Balic patungong Quiapo.