Inireklamo sa Comelec ng isang residente sa malabon ang 3 kandidato hinggil sa ilang paglabag para sa lokal na posisyon sa lungsod.
Mismong ang complainant na si Emily Sevilla Cano ang nagtungo sa Comelec Law Department para ipasa ang kaniyang sinumpaang salaysay laban kina Jose Lorenzo Oreta, Diosdado Cunanan at Prospero Alfonso Mañalac dahil sa paggamit ng kanilang mga pangalan sa ikinasang aktibidad sa lungsod nitong nakaraang araw.
Nabatid na sa ikinasang health caravan ng Malabon Health Department sa Potrero Super Health Center, nakitang nangangampaniya ang 3 kandidato kung saan, mayroong mga pangalan ng mga nabanggit na kandidato ang mga ecobag, pamaypay, t-shirt ng mga health worker na humarap sa publiko maging ang mga reseta ng mga gamot na ibinibigay sa mga pasyente.
Ayon sa nagreklamo, malinaw na lumabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code kung saan ipinagbabawal ang pagsali ng mga pampublikong opisyal at mga empleyado sa anumang pangangampaniya sa eleksyon at paggamit ng pampublikong pondo, kagamitan at pasilidad na pag-aari at kontrolado ng gobyerno.
Umaasa naman ang mga residente ng Malabon na matutugunan ng komisyon ang naturang reklamo lalo na’t sila mismo ang magsa-sakripisyo kung patuloy ang ganitong uri ng iligal na gawain.—sa panulat ni Angelica Doctolero