Nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang tatlong indibidwal dahil sa pagkakasangkot sa illegal logging kung saan nasabat sa operasyon ang mga troso at equipment na nagkakahalaga ng sampung milyong piso sa Las Nieves, Agusan del Norte.
Kinilala ni Eric Nuque, hepe ng environmental crime division ng NBI, ang mga suspek na sina Joel Socobos, Wenifredo Brenbuela at Reynaldo Monforte, kapwa residente sa lugar.
Natuklasan naman na ang pinapasukang sawmill ng mga naaresto ay pag-aari umano ni Dapa, Surigao del Norte Mayor Peter Ruaya.
Ibinunyag ng NBI na anim na taon nang nag-ooperate ang sawmill nang walang permit mula sa pamahalaan.
Inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga suspek.