Tatlo ang patay makaraang pagbabarilin sa Taguig City, kahapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Marie Angelica Belina, 25-anyos, isang Overseas Filipino Worker; estudyanteng si Tashane Joshue Branzuela, 22- anyos at Mark Ian Desquitado, 35- anyos, isang grab driver.
Ayon sa Taguig City Police, dakong alas 3:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tapat ng transient house na tinutuluyan ng mag-live-in partner na sina Belina at Branzuela sa Barangay Fort Bonifacio.
Naisugod pa si Branzuela sa Taguig-Pateros District Hospital pero idineklarang dead on arrival matapos ang halos kalahating oras.
Batay sa pahayag ng isang saksi na nasa loob din ng bahay, magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw at matapos nito ay nakita na niyang nakahandusay sa sahig ang mga duguang biktima.
Pabalik na sana si Belina sa Japan at magpapahatid kay Desquitado sa airport nang bigla umanong sumulpot ang isang lalaki at pinagbabaril ang mga biktima.
Sinasabing kakilala ni Belina ang suspek na nakatakas naman lulan ng isang van.