Timbog ang tatlo katao sa ikinasang operasyon sa San Jose del Monte, Bulacan matapos masangkot sa large scale scam kung saan sangkot ang pagbebenta ng mga rehistrado at pre-activated sim na ginagamit umano sa mga iligal na aktibidad.
Isang bagong raket ang nadiskubre sa nasabing operasyon nang pinagsanib na puwersa ng security team ng Globe, PNP at Barangay officials na isa sa pinakamalaking operasyon kontra sim related fraud simula nang ikasa ang Sim Registration Act.
Kinilala ang mga inaresto sa naturang operasyon sina Rodolfo de Juan, Jr., Rosemarie de Juan na kilala rin bilang Charlene Dela Cruz at Taiwanese national na si Cheng Tsung Huang na may alias na Rodney Serrano.
Ikinasa ang operasyon matapos magpalabas ng search warrant ang Malolos RTC dahil sa paglabag sa access device regulation act of 1998, may kaugnayan sa cybercrime prevention act of 2012.
Kabilang sa mga kinumpiska sa operasyon ang 332 sim cards na may sim beds 6, 976 assorted sims mula sa iba’t ibang telecom companies, 13 cellular phones tatlong ipads at dalawang system units.
Nasabat din sa mga suspek ang mga dokumento tulad ng identification cards at bank transaction records.
Matapos maaresto ang mga suspek ay kaagad inilipat sa Anti-Cybercrime Group headquarters sa Camp Crame, Quezon City para sa kaukulang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Ronald Uychutin, Vice President, Security and Fraud Investigation ng Globe na malaking tulong ang kanilang ugnayan sa mga otoridad para masawata ang mga iligal na aktibidad na may kinalaman sa anomalya sa pre activated sims.
Sa kabila ng mga pagtatangka, tiniyak ng Globe ang commitment nitong mahigpit na ipatupad ang Sim Registration Act at plantsahin ang mga security measures para mapalakas ang consumer confidence at maiwasang magamit ang teknolohiya sa panloloko.
Patuloy na mangunguna ang Globe sa pagpapatupad ng cyber security measures para ma protektahan ang mga impormasyon at pondo ng consumers.
Sa pagkakasa ng technological safeguards kasama sa cybersecurity framework ang comprehensive personnel training at public awareness initiatives kontra digital threats.
Ang mga efforts na ito ayon sa Globe ay patunay ng commitment nang nangungunang telco para mapanatili ang pinakamataas na antas ng cybersecurity at pag adapt sa nag-iiba at nagbabagong digital landscape.