Inaprubahan ng Sandiganbayan ang mosyon ng tatlong kongresista na payagang makasama sa biyahe ng Pangulong Rodrigo Duterte sa China at Hongkong.
Sina Congressmen Arthur Yap ng Bohol, Antonio Floirendo, Jr. ng Davao del Norte at Luis Raymund Villafuerte ng Camarines Sur ay bahagi ng delegasyon ng Pangulo sa naturang biyahe sa susunod na linggo.
Binigyang diin ng mga naturang Kongresista sa inihaing urgent motion sa Sandiganbayan na inabisuhan sila ng Office of the Presidential Protocol na makakasama sa Pangulo sa pagdalo sa Boao Forum for Asia sa Hainan Province sa China mula April 9 hanggang 10 at sa working visit nito sa Hongkong sa April 10 hanggang 13.
Si Yap ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong graft kaugnay sa umanoy maanomalyang car loan plans sa Board of Trustees ng PHILRICE mula 2008 hanggang 2009 bukod pa sa pagkakasangkot sa pork barrel fund scam case ni dating Misamis Occidental Representative Marina Clarete.
Samantala si Floirendo ay dawit sa umanoy anomalya sa pagpaparenta ng lupain ng Davao Penal Colony sa TADECO at si Villafuerte ay nahaharap sa tatlong bilang ng kasong graft kaugnay sa kuwestyunableng pagbili ng krudo na nagkakahalaga ng 20 Million Pesos nuong 2010.