3 labi ang natagpuan ng mga otoridad sa karagatang sakop ng bayan ng Dumangas sa Iloilo.
Ayon sa mga otoridad, dalawa sa mga biktima na pawang lalaki ay posibleng kabilang sa mga pasahero ng tatlong bangka na lumubog noong Sabado.
Isa sa mga nakuhang labi ay tinatayang 30 taong gulang, nakasuot ng kulay bughaw na t-shirt at itim na short pants at maraming tattoo samantala ang isang labi ay nakasuot ng dilaw na t-shirt at kulay bughaw na shorts.
Ang dalawang labi ay una nang narekober at ang isa pang labi ay nakita sa karagatang sakop ng barangay Bulilao.
Ang mga nasabing labi ay dinala na sa Iloilo City para sa kaukulang pagtukoy sa kanila kung kabilang sa mga pasahero nang lumubog na bangka.
Sinabi ng mga otoridad na tuloy-tuloy pa ang paghahanap sa tatlo pang nawawalang pasahero.
Samantala nakatakdang bisitahin ngayong araw na ito ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng mga biktima ng nasabing trahedya.
Ipinabatid ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos niyang makita ang schedule ng Pangulong Duterte.
Magugunitang mahigit 30 ang nasawi sa nasabing trahedya.