Pinigil ng PCG o Philippine Coast Guard ang tatlong (3) lalaking patungo sanang Cebu sa pantalan ng Cagayan de Oro City.
Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, hinarang ang tatlong hindi pinangalanang mga lalaki dahil sa kahina-hinalang paraan ng pagbibitbit ng mga ito ng malaking halaga ng pera.
Aniya, unang idineklara ng mga nasabing lalaki na mga dokumento ang laman ng kanilang dalang maliit na kahon.
Nang busisiin ng PCG, nakita ang tinatayang tatlumpu (30) hanggang apatnapung (40) milyong pisong halaga ng mga pera.
Paliwanag ni Balilo, isasailalim sa pagsisiyasat ang tatlong lalaki na nagpakilalang mga empleyado ng bangko at agad namang pakakawalan kapag napatunayang balido ang kanilang pagbiyahe.
By Krista De Dios | With Report from Aya Yupangco