Nilinaw ng Malacañang na may tatlong grupo ng mga eskuwelahang pinapatakbo ng Lumad na ayaw kumilala sa mga panuntunan at patakaran ng DepEd o Department of Education.
Sinabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag na ang mga ito ay ang Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Devt. Inc. o ALCADEV, pangalawa ang Center for Lumad Advocacy and Services, Inc. (CLANS) at ang ikatlo, ang Salpungan Community Learning Center.
Ayon kay Banaag, walang permit to operate at tumatangging kumuha ng permit sa DepEd ang ALCADEV ng Surigao, habang ang CLANS ay binigyan ng tatlong buwan para mag-comply sa requirements ng DepEd.
Mayroon aniyang ibang Lumad schools na itinatag ng DepEd at sumusunod sa curriculum at nakakatugon naman sa mga polisiya ng kagawaran.
Ang mga illegal Lumad schools aniya ang nagpapagalit kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa halip na turuan ang mga ito ng lupang hinirang ay kantang komunista ang itinuturo sa mga ito at mga idelohiyang makakaliwa.
- Meann Tanbio | Story from Aileen Taliping