Patay ang 3 hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) makaraang makasagupa ng militar sa bayan ng Sen. Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.
Ayon sa Western Mindanao Command, ang mga napatay ay pawang mga kasapi ng Daguma front ng far South Mindanao Regional Command ng NPA na pinamumunuan ng isang “kumander rayray.”
Sinasabing umabot ng 30 minuto ang bakbakan ng mga sundalo at ng tinatayang 25 rebelde sa Sitio Sinuksok, Barangay Bugso sa naturang bayan.
Pahayag ni Maj. Gen. Diosdado Carreon, kumander ng Joint task force central, patuloy ang ginagawang pursuit operation ng mga tropa ng pamahalaan laban sa mga nakatakas na miyembro ng NPA.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 na baril, isang two-way radio, limang sako ng bigas at isang medical kit na pinaniniwalaang pag-aari ng mga rebelde.