Muli nang nabuksan sa daloy ng trapiko ang bahagi ng EDSA Cubao tunnel southbound matapos ang nangyaring aksidente na kinasasangkutan ng mga miyembro ng Philippine Air Force.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District o QCPD nangyari ang aksidente mag aalas-dos kaninang madaling araw.
Nabatid na nagmula sa pagtitipon ang mga biktima at pabalik na sa Villamor Airbase sa Pasay City nang bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa concrete barrier pag-ahon ng tunnel.
Dahil sa tindi ng pagkakasalpok, nagliyab ang kotse kung saan sakay ang mga biktimang kinilalang sina Airman 1st Class Sabado Angelo, Airman 1st Class Aaron Tabarle at Airman 1st Class Kyle Justine Velasco.
Habang sugatan at nakaligtas ang driver ng kotse na kinilalang si Airman 2nd Class Manuel Ognes na ngayo’y nagpapagaling na sa pagamutan. -ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)