Inakusahan ni Senador Antonio Trillanes IV ang ilang opisyal na nakatutok sa housing at urban poor program ng gobyerno bilang mga miyembro di umano ng CPP o Communist Party of the Philippines.
Sinabi ni Trillanes, nakatanggap siya ng impormasyon na tumutukoy kina Cabinet Secretary at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chair Leoncio Evasco, National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr. at Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Terry Ridon bilang mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Aniya, inihalal si Evasco bilang CPP Central Committee member noong ginanap ang ika-walong CPP Central Committee Plenum sa Bicol, naging miyembro naman ng Central Committee si Ridon sa ika-labing tatlong Central Committee Plenum sa Quezon City habang isang full member naman ng rebeldeng grupo si Escalada.
Kasabay nito ay tinukoy umano sa tinanggap na ulat ni Trillanes na ang grupong Kadamay ay front liner ng CPP-NPA.
Kung totoo aniya ang naturang report, posible ang ginawang pag-okupa ng mga miyembro ng Kadamay sa government housing units sa Pandi, Bulacan ay paraan para magkaroon sila ng kampo malapit sa Metro Manila.
By Rianne Briones
3 miyembro opisyal ng gobyerno itinurong mga miyembro ng NPA was last modified: April 24th, 2017 by DWIZ 882