Tatlo (3) katao pa ang patuloy na pinaghahanap sa bayan ng Guinobatan sa Albay, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Guinobatan Mayor Ann Yap Ongjoco, umaabot sa 147 na mga kabahayan sa kanilang bayan ang dinaanan at natabunan ng lahar.
Dahil dito, patuloy aniya ang isinasagawang search and rescue operations sa lugar.
Iginiit ni Ongjoco, nagpatupad ng preemptive evacuation ang lokal na pamahalaan at mga barangay officials.
Gayunman, kanila pa ring ikinagulat ang naganap na sakuna dahil hindi naman aniya karaniwang dinadaanan ng lahar ang naturang lugar sa kanilang bayan.