Naihatid na sa kanilang huling hantungan ang labi ng 3 mga miyembro ng New People’s Army o NPA matapos masawi sa naging sagupaan nila sa Militar sa Brgy. Plaridel, Claveria sa Misamis Oriental nuong isang linggo.
Nitong araw ng Linggo, Marso a-20 ay naibalik na ng mga tauhan ng Army’s 58th Infantry Battalion ang labi ng 3 sa kani-kanilang mga pamilya sa Brgy. Lingangao sa bayan naman ng Balingasag sa nabanggit na lalawigan.
Kabilang sa mga nasawing rebelde ay kinilalang sina Agay Taquin alias Kerby na Vice Commander ng Platoon Falcon ng Sub-regional Committee 1 ng NPA North Central Mindanao Regional Committee.
Gayundin sina Andrew Odiongan alias Dave, political instructor ng Sub-Regional Sentro de Grabidad Eagles ng Sub-regional Committee 1 ng NPA North Central Mindanao Regional Committee at Joan Pajardo alias Amirgo na Team Leader B naman ng Squad 1, Guerilla Front Huawei sa ilalim din ng Sub-regional Committee 1.
Ayon kay Lt. Col. Ricky Canatoy, Commanding Officer ng 58th Infantry Battalion ng Philippine Army, kailanman aniya ay walang buting naidudulot ang armadong pakikibaka kaya’t hinimok nito ang mga rebelde na bumaba na sa kabundukan at mamuhay ng malaya sa sibilisadong lipunan.