Kasabay ng ika-53 anibersaryo ng New People’s Army o NPA ngayong araw, 3 rebelde ang napatay ng Militar matapos ang nangyaring bakbakan sa Davao de Oro.
Ayon kay B/Gen. Jesus Durante III, Commander ng 1001st Infantry Brigade ng Philippine Army, nangyari ang engkwentro sa bahagi ng Brgy. Tupaz, sa bayan ng Maragusan.
Kinilala ni Durante ang mga nasawing rebelde na sina Ezequil Cortez Daguman alias Rey/Ry, miyembro ng Communist Party of the Philippines Central Committee at Deputy Secretary ng Regional Operational Command, Southern Mindanao Regional Committee.
Gayundin sina Ruel Baylon na kilala rin sa alias James at si Quirino Remegio na kilala sa mga alias Jelly at Manoy.
Matapos ang engkwentro, narekober ng Militar ang nasa 7 matataas na uri ng armas, Improvised Explosive Device o IED, samu’t saring mga bala, medical paraphernalia at personal na kagamitan.
Ayon kay Durante, malaking dagok sa buong CPP ang pagkamatay ni Daguman na siyang utak ng pangingikil sa mga negosyante at pulitiko sa naturang lugar. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)