Inabswelto ng Sandiganbayan ang tatlong opisyal ng Philippine Marine Corps (PMC) sa kasong katiwalian kaugnay ng iregularidad sa paggamit ng P36.76 million na pondo para sa Combat Clothing Allowance and Individual Equipment Allowance (CCIE) ng mga enlisted personnel noong 2000.
Batay sa desisyon ni Associate Justice Bernelito Fernandez, wala itong nakitang sapat na batayan na nakinabang sa pondo sina Col. Renato Miranda, Maj. Adelo Jandayan, at Capt. Felicisimo Millado dahilan upang ibasura ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation through falsification laban sa mga ito.
Samantala, nagpalabas naman ng alias warrants of arrest ang anti-graft court laban sa iba pang akusado na sina Lt. Col. Jeson Cabatbat at Capt. Edmund Yurong na patuloy pa ring nagtatago sa batas.