Pumalo na sa 40 ang bilang ng mga nakilalang nasawi sa pagbagsak ng C-130 Hercules aircraft ng Philippine Air Force sa Sulu matapos matukoy ang 3 pang nasawi nitong Agosto 9.
Ito’y ayon sa Armed Forces of the Philippines o AFP ay makaraang makilala ang 3 pang labi batay sa resulta ng imbestigasyon ng Police Regional Office 9 Crime Laboratory.
Kinilala ni Spokesman Col. Ramon Zagala ang 3 nadagdag na sina Corporal Jemmar Mondido, Private First Class Lester Al Lagrada, at Private First Class Bensheen Sabaduquia.
Naipaalam na aniya sa pamilya ng mga nasawi ang panibagong development na ito at kasalukuyan nang pinoproseso ang pagbiyahe sa labi ng mga nakilalang sundalo.
Gayunman, ini-ulat ni Zagala na may 10 pang labi ang kasalukuyan pa ring kinikilala ng mga awtoridad at tinitiyak ng AFP na maibabalik din ang mga iyon sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa huli, nagpaabot ng pakikiramay ang AFP sa pamilya ng tatlo nilang kasamahan at tiniyak ang naaangkop na tulong para sa mga naulila.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)