Tatlo pang opisyal ng Bureau of Corrections ang pinatawan din ng anim na buwang suspensyon ng Ombudsman dahil sa pagpapalaya ng mga nahatulan sa heinous crimes sa pamamagitan ng GCTA o Good Conduct Time Allowance Law.
Ipinalabas ni Ombudsman Samuel Martires ang suspension order, isang araw matapos na patawan ng katulad na parusa ang 27 tauhan ng New Bilibid Prison at iba pang opisyal ng BuCor.
Kabilang sa mga bagong sinuspindi ay sina Correctional Institution for Women Superintendent Maria Fe Marquez, BuCor Legal Division Chief Frederick Santos at BuCor Correctional Officer Joel Nalva.
Magugunitang pumutok ang kontrobersiya sa GCTA Law matapos mapaulat ang maaga sanang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na nahatulan sa pagpatay at panghahalay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.