Tatlo pang Filipino ang nadagdag sa listahan ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore.
Ayon sa Singapore Ministry of Health, ang isang Filipino na tinawag nilang case 256 ay isang 32 anyos na babae at walang travel history sa anumang bansang apektado ng COVID-19.
Gayunman iniuugnay si case 256 kay case 205 na isa ring pinay na unang nagpositibo sa nabanggit sa COVID-19 matapos magbakasyon sa Pilipinas noong Pebrero 27 hanggang Marso 6.
Kapwa naka-isolate na sina case 256 at 205 sa National Centre for Infectious Diseases.
Habang ang isa pang Filipino na tinawag na case 211 ay isang 35 anyos na babae at holder ng Singapore long term visit pass.
Wala rin itong travel history sa mga bansang apektado ng COVID-19 pero iniuugnay kay case 142 na isang lalaking Singaporean na konektado sa grupo ng mga kaso ng virus sa Singapore matapos dumalo sa isang dinner function.
Sa kabuuang, 11 na ang bilang ng mga Filipino sa Singapore na-nagpositibo sa COVID-19 kung saan sinabi ng Department of Health (DOH) na dalawa pa lamang sa mga ito ang nakarekober.