Naharang ng immigration officer ang pagpasok sa bansa ng tatlong pasaherong may travel history sa ilang bansang kabilang sa ikinakasang travel ban para hindi kumalat ang bagong variant ng coronavirus sa bansa.
Ayon ito kay Immigration Spokesman Dana Sandoval kaya’t kaagad pinabalik sa kanilang pinagmulang bansa ang mga nasabing dayuhan.
Sinabi ni Sandoval na kahit hindi direktang nanggaling sa bansang nasa travel ban list subalit nanggaling doon sa nakalipas na labing apat na araw hindi pa rin papapasukin sa Pilipinas ang mga ito.
Ipinabatid ni Sandoval na puspusan ang pagsasagawa nilang passport inspection para matiyak na hindi nagmula ang sinumang darating sa bansa na nag biyahe sa mga bansang nakapagtala na ng bagong variant ng coronavirus.
Gayunman nilinaw ni Sandoval na hindi naman itataboy ang Pilipinong darating sa bansa mula sa 20 bansa kasama sa listahan nang pinaiiral na travel ban subalit ire-refer sila sa one stop shop para sa mahigpit na pagpapatupad ng 14 day quarantine.