Tatlong pasyente sa magkakahiwalay na lugar sa Batangas ang hinihinalang nasawi dahil sa meningococcemia.
Kabilang dito ang isang taong gulang na batang babae na unang isinugod sa Apacible Memorial District hospital sa Nasugbu, Batangas at kalauna’y inilipat sa San Lazaro Hospital sa Maynila kung saan ito nasawi.
Gayundin ang dalawang taong gulang na batang lalaki na taga-Barangay Calayo na una namang dinala sa ospital ng Nasugbu bago inilipat at nasawi sa rin sa San Lazaro Hospital.
Namatay rin dahil sa hinihinalang meningococcemia ang isang 46-taong gulang na babae sa bayan ng San Jose.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng Department of Health (DOH) Calabarzon na walang pang meningococcemia outbreak sa Batangas.
Kanila pa rin anilang hinihintay ang resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa sample ng dugo ng mga nasawi para makumpirma kung meningococcemia nga ang sakit ng mga ito.
Pagtitiyak pa ng DOH-Calabarzon, isinailalim na sa quarantine at na-disinfect ang mga hospital na unang pinagdalahan ng mga pasyente habang nabigyan na rin ng prophylaxis ang mga nakasalamuha ng mga nasawi.