Sumampa na sa tatlo ang patay habang umabot na sa 98 ang tinamaan ng typhoid fever sa Barili, Cebu mula Marso hanggang Hunyo ngayong taon.
Napuno na ng mga pasyenteng na-tipus ang Barili District Hospital na may kasalukuyang 25 naka-admit dahil sa naturang sakit.
Ayon kay Barili Mayor Julito Flores, pawang mga bata ang nagkakasakit na nakararanas ng pananakit ng tiyan, diarrhea at lagnat.
Pinulong na rin ni Flores ang mga lokal na opisyal ng bayan at Philippine Red Cross hinggil sa sitwasyon.
Ipinatitigil na rin anya nila ang operasyon ng dalawang water sources na kontaminado habang nag-iikot ang mga tauhan ng Municipal Health Office sa mga barangay upang matiyak na malinis ang iniinom na tubig ng mga residente.
Samantala, nilinaw ng alkalde na hindi pa kailangang magdeklara ng outbreak dahil manageable pa naman ang sitwasyon.