3 ang patay habang 11 ang sugatan makaraang sumalpok ang isang hi-ace van sa bayan ng Mambajao, lalawigan ng Camiguin.
Sa ulat ng Camiguin Provincial Police Office, nawalan umano ng preno ang nasabing van habang binabaybay ang national highway sa Sitio Quipasa, Brgy. Poblacion sa nasabing bayan mag-aala 5:00 kahapon ng hapon.
10 sa mga pasahero ay nagtamo ng malubhang sugat habang ang driver naman ng van na kinilalang si Joy Sobremisana naman ay nagtamo lamang ng galos at kaunting pasa sa katawan matapos mawalan ng preno ang kaniyang minamanehong sasakyan.
Nabatid mula kay P/Capt. Arnold Gaabucayan, hepe ng Mambajao Police Station na nasa kanilang lugar ang mga pasahero na pawang mga call center agents para sa isang team building.
Subalit lumabas sa impormasyon na mayroon pang ibang kasamang mga ka-anak ang mga nasabing call center agents na kabilang sa aksidente.
Sinasabing wala ring tour guide ang grupo at napag pasyahan ng mga ito na maglibot na lamang bago tumungo sa Saay Cold Spring dahil hindi na sila nakapunta pa ng White Island.