Tatlo (3) ang patay sa magkakahiwalay na drug buy bust operations sa Barangay Mabolo, lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Ito’y matapos ilunsad ang Project Double Barrel Alpha Reloaded na bahagi ng kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Kinilala ang mga suspek na sina Errol Capiral na residente ng Sumapang Matanda at dalawang nakilala lamang sa mga alyas Pantot at Whitey.
Napatay ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Malolos PNP at ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 makaraang magpanggap na mga bibili ng shabu.
Tulad ng inaasahan, nanlaban ang mga suspek nang malamang pulis ang kanilang ka-transaksyon kaya’t nauwi iyon sa enkuwentro na ikinasawi ng mga suspek.
Paglilinaw naman ni Supt. Heryl Bruno, hepe ng Malolos City PNP na nakipag-ugnayan sila sa mga religious group at opisyal ng barangay bago ikinasa ang operasyon.
CHR
Mahigpit na babantayan ng CHR o Commission on Human Rights ang Oplan Double Barrel Reloaded.
Ito ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia ay sa kabila ng pangako ni PNP o Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa na magkakasa sila ng ilang reporma sa pagpapatupad muli ng kampanya kontra iligal na droga.
Sinabi ni De Guia na makatuwiran namang isulong ang pagsugpo sa droga sa pamamagitan ng due process at walang magaganap na pang-aabuso sa batas bukod pa sa dapat matiyak na gumugulong din ang internal cleasing sa panig ng PNP.
Tiwala naman ang CHR na hindi magiging madugo ang panibagong bersyon ng Oplan Tokhang bagamat umapela sa publiko na kaagad ipagbigay-alam sa kanila kung nalalabag ang kanilang karapatang pantao sa pagpapatupad ng nasabing programa.
By Jaymark Dagala | Report from Theofel Santos | Judith Larino