Umakyat na sa tatlo ang kumpirmadong patay sa flash flood sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu.
Ito’y matapos matagpuan ang bangkay ng isang babae na palutang-lutang sa karagatan ng Barangay Luyang, Carmen.
Ayon kay Police Senior Sergeant Ben Naveles, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang mangingisda na nakakita sa naturang bangkay ng isang babae.
Sinabi ng Catmon Police na narekober na nila ang tatlong biktima sa naturang malagim na insidente.
Kinilala ang mga biktima na sina Jude Monterola, Jacel Alastra at ang anak nito na si Princess Alastra.
Kasama ng mga biktima ang iba pa nilang kaanak na nagpicnic sa isang waterfalls nang bigla na lamang rumagasa ang tubig baha sa nasabing talon.