Tatlo ang patay habang nasa 80 ang sugatan matapos maglunsad ng kilos-protesta ang mga sibilyan kontra sa kudeta ng militar sa Sudan.
Pawang mga sibilyan ang nasawi at nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga sundalo.
Kahapon ay ini-anunsyo ni coup Leader, General Abdel Fattah Al-Burhan ang pagbuwag sa military-civilian sovereign council na itinatag upang gabayan ang bansa patungo sa demokratikong sistema.
Isinailalim ni Burhan ang Sudan sa state of emergency upang maprotektahan umano ang bansa habang kanyang tiniyak ang pagdaraos ng eleksyon sa Hulyo ng susunod na taon.
Gayunman, daan-daang libong sudanese ang tutol sa military take over at iginiit ang pagbabalik ng civilian government na pinamumunuan ni Prime Minister Abdalla Hamdok, na ikinulong sa hindi pa mabatid na lugar. —sa panulat ni Drew Nacino