Nasa tatlo na ang naitalang bilang ng mga nasawi bunsod ng pananalasa ng Bagyong Quinta sa bahagi ng Visayas at katimugang Luzon.
Batay ito sa pinakahuling datos na natanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mula sa kanilang regional offices sa mga lugar na nakatikim ng bagsik ng bagyo.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, dalawa ang naitala sa Negros Oriental dahil sa pagkalunod, kabilang na ang isang 60-anyos na babae sa bayan ng Siaton at isa pa bayan ng Bindoy, habang isa rin sa bayan ng Mogpog, Marinduque.
Samantala, 13 ang naitalang bilang ng mga nawawala matapos manalasa ang Bagyong Quinta sa Bicol Region, MIMAROPA at Negros Oriental; walo naman sa Catanduanes matapos matagpuan kahapon ang apat sa 12 nawawala, isa sa bayan ng Calabanga sa Camarines Sur, isa sa Iloilo, isa ang tinangay ng malakas na agos sa ilog ng Romblon at isa rin mula sa Negros Oriental.