(Updated)
Tatlo ang patay kabilang ang isang sanggol habang apatnapu’t apat (44) ang sugatan sa pagsabog at pag-collapse ng water tank ng San Jose del Monte City Water District sa Bulacan, dakong alas-3:00 kaninang madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jimmy Garcia, 50-taong gulang, Jaina Espina, 1-taong gulang na sanggol at Elaine Tiamzon, 22-taong gulang.
Ayon kay Superintendent Fitz Macariola, Hepe ng San Jose City Police, nasa animnapung bahay ang nawasak nang bumigay ang water tank platform sa Chelsea Subdivision sa Barangay Muzon.
“Kasama na rin ang ibang sasakyan, yung patrol vehicle namin na hinampas sa pader sa lakas ng ragasa ng tubig.”
Kasing taas aniya ng dalawang palapag na gusali at kasing lapad ng dalawang bahay ang nabanggit na water tank.
Dagdag ni Macariola, humihingi na silang tulong sa mga eksperto sa imbestigasyon para matukoy ang dahilan ng pagbigay at pagsabog ng nasabing tangke.
“Itong tangkeng ito ay nasa ground level po ito, pabilog ang construction, at may capacity na 2,000 cubic meters, yung tubig ang nag-trigger ng damage sa palibot ng area.”
Hihingi tayo ng tulong sa mga eksperto sa pag-iimbestiga dito kung anuman ang naging cause (structural design) ng pag-collapse. Almost 3 years na itong nakatayo, naka-design naman ito to withstand a certain volume of water, na-uproot po kasi sa kinatatayuan.” Ani Macariola
Tiniyak din naman aniya ng San Jose del Monte City Water District na hindi mawawalan ng suplay ng tubig ang mga residenteng apektado ng pagsabog ng nasabing water tank.
(Ratsada Balita Interview)