Tatlong presidentiable ang nanguna sa paghahain ng COC of Certificate of Candidacy sa Commission on Elections.
Unang-una rito si Atty. Ely Pamatong, na nanunog muna ng bandila ng China bago naghain ng kanyang COC bilang presidential candidate.
Tinangka na rin ni Pamatong na tumakbo bilang Pangulo noong 2004 at 2010 subalit idineklara itong nuisance candidate ng COMELEC.
Sumunod na naghain ng kanyang COC si dating TESDA Director General Augusto Syjuco.
Ayon kay Syjuco, walang syang dadalhing ibang partido dahil ang kanyang kampanya ay isang krusada para sa mamamayang Pilipino.
Ang pangatlong naghain ng kanyang COC para sa pampanguluhang halalan ay nagmula sa Mindanao Federal Party at Kumander Ilaga Kidlat ng Mindanao na si Ephraim Defino.
Tumakbo na rin itong gobernador sa Sultan Kudarat noong 2013 subalit natalo sa incumbent governor na si Gov. Suharto “Teng” Mangudadatu.
Samantala, 3 pang independent candidates ang naghain ng kanilang certificate of candidacy para sa pampanguluhang halalan sa 2016.
Kabilang dito si dating Chairman Camilo Sabio ng PCGG o Presidential Commission on Good Government at naging pangulo rin ng Philippine Constitutional Commission o PHILCONSA.
Naging kontrobersyal si Sabio nang ipaaresto ito ng senado noong September 2006 matapos isnabin ang mga pagdinig hinggil sa di umano’y anomalya sa Sequestered Phil Communications Satellinte Corporation.
Tumakbo na rin ito sa eleksyon noong 1998 bilang running mate ni dating PCSO Chairman Manoling Morato.
Samantala, naghain rin ng kanilang COC bilang presidential candidate sina David Alimorong at Ralf Masloff.
Tatakbo naman bilang senador sa 2016 elections ang nagpakilalang boyfriend ni Kris Aquino.
Nakapaghain na ng kanyang certificate of candidacy o COC si Daniel Magtira sa Commission on Elections.
Maliban kay Magtira, naghain rin ng kanilang COC para sa senatorial elections ang isang Ricky Taruc at Victoriano Inte ng Bohol.
Samantala, isang Myrna Mamon ng Muntinlupa naman ang naghain ng kanyang COC bilang Vice Presidential candidate.
By Len Aguirre | Aya Yupangco (Patrol 5)