Arestado ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force o PNP-CITF ang 3 pulis dahil sa paglalaro ng sabong sa San Jose del Monte Bulacan.
Kinilala ang mga ito na sina PO2 Michael Somido na naka-assign sa National Capital Region Police Office o NCRPO, PO1 Raymond Meneses ng Caloocan PNP at PO1 Rhovel Araceli ng Northern Police District.
Ayon kay Sr. Supt. Romeo Caramat Jr, hepe ng CITF, naaresto ang mga nabanggit na pulis sa joint operation ng CITF at PNP-Intelligence Group sa Heroesville Subdivision barangay Gaya-Gaya kahapon ng umaga.
Nakuha mula sa kanila ang tari na ginagamit sa sabong at kanilang mga service firearm.
Bukod sa mga pulis, 2 empleyado rin ng gobyerno ang naaresto.
Si Albert delos Reyes na isang traffic aide sa San Jose del Monte na may bitbit pang kalibre .40 na baril nang maaresto at si Almelito Bascon, staff ng Sanguniaang Panlalawigan ng San Jose del Monte.
Arestado rin ang sibiliyan na si Rodrigo Gojo Cruz na nagsisilbing kolektor o kristo ng sabungan.
Nasa kustodiya na sila ngayon ng CITF para sa pagsasampa ng kaso.
—-