Inaresto sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang tatlong pulis maynila matapos ireklamo ng pangongotong sa lungsod.
Dinisarmahan ang tatlong miyembro ng Manila Police District (MPD) sa loob mismo ng Paco Police Community Precinct (PCP) matapos umano nilang tangkain na hingan ng P2,000 ang isang traysikel driver sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang mga tiwaling pulis na sina P/SSG. Erwin Licuasen, 34-anyos; P/CPL. Chimber Importa, 33-anyos; at Pat. Leopoldo Tuason, 39-anyos na pawang nadestino sa MPD-PCP Station 5.
Ayon kay bagong IMEG Director Brig. Gen. Warren de Leon, isang Frederick Alba, 34-anyos, ang nagsumbong sa kanilang tanggapan hinggil sa iligal na gawain ng tatlong pulis.
Sa pahayag ng nagreklamo, hinuli umano ng mga pulis ang kanyang driver na kinilala sa pangalang John-John dahil sa paglabag sa Counter flow at Driving without License noong Agosto a-14 dahilan para ma-impound ang kanyang tricycle.
Sinabi ni Alba na hiningan umano ng mga suspek ang driver ng P2, 000 kapalit ng pagpapalabas umano ng tricycle.
Agad na nagreklamo sa PNP-IMEG si Alba dahilan para magkasa ng operasyon ang mga operatiba.
Nasa kustodiya na ng IMEG sa Camp Crame ang tatlong pulis habang inihahanda na ang kasong Robbery Extortion laban sa mga tiwaling pulis.