Ipinag-utos na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde ang pagsibak sa tatlong pulis Caloocan na nakapatay sa isang 17 anyos na lalaki noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Albayalde, maliban sa tatlong pulis, inilipat muna sa Regional Police Holding and Accounting Unit ang precinct commander na nakasasakop sa pinangyarihan ng operasyon.
Magugunitang kabilang sa mga nasawi ang Grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos sa isinagawang Oplan Galugad ng Caloocan police matapos umanong manlaban at paputukan ang mga awtoridad.
Kasunod nito, inatasan din ni Albayalde ang kanilang Regional Investigation Division na makipag-ugnayan naman sa IAS o Internal Affairs Service sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Dela Rosa tiniyak na mananagot ang mga pulis na nakapatay sa 17-taong binatilyo sa Caloocan
Hindi kukunsintihin ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang mga pulis na nakapatay sa 17 anyos na Grade 11 student sa Oplan Galugad sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Ito ang ipinangako ni Dela Rosa kasabay ng pagtitiyak na magsasagawa ng imbestigasyon ang PNP sa insidente.
Ayon kay Dela Rosa, hindi siya papayag na may mga miyembro ng pambansang pulisya ang walang habas na lamang na pumapatay ng menor de edad dahil tanging mga walang puso lang aniya ang gumagawa nito.
Kasabay nito tiniyak pa ni Dela Rosa na mananagot ang mapapatunayang nagkasala sa naturang insidente.