Sugatan ang tatlong pulis makaraang tambangan ang mga ito ng mga miyembro ng New People’s Army o NPA sa Sibalom, Antique kaninang umaga.
Nakilala ang mga biktima na sina PO3 Gabby Orantes, PO3 Michael Alejo at PO3 Salvador Cordero.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Region 6 Spokesperson Superintendent Gilbert Gorero, nagpa – patrolya ang mga pulis nang pasabugan ng improvised explosive device o IED ng mga NPA ang kanilang sasakyan.
Ito aniya ang unang beses nang nanggulo ang NPA sa Antique sa nakalipas na dalawang dekada.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng pulisya at militar ang mga rebeldeng may kagagawan sa pananambang.