Ipinatapon na sa Mindanao ang tatlong (3) miyembro ng Quezon City Police District na sangkot umano sa pangingikil sa isa sa mga hinuli nilang suspek.
Ni-re-assign ni QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sina PO3 Aprilito Santos, Ramil Dazo at Joseph Merin alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Eleazar, mahaharap pa rin ang tatlo sa administrative at criminal cases kahit ipinadala sa Mindanao.
Nag-ugat ang kaso kina Santos, Dazo at Merin sa reklamo ni Iluminada Leetiong, matapos hingian umano ito ng tatlong pulis ng 120,000 Pesos noong January nang arestuhin ang kanyang anak na si Raymond na akusado sa isang cybercrime case na nakabinbin naman sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Sa kabila nito, nananawagan si ARMM Governor Mujiv Hataman sa PNP na tigilan na ang pag-trato sa kanilang lugar bilang tapunan ng mga “scalawag” na pulis dahil mas kailangan nila ng mahuhusay na law enforcer para sa isa sa pinaka-mahirap na rehiyon sa bansa.
By: Drew Nacino