Nakapaloob ang tatlong rason sa inihaing motion for reconsideration ng abogado ng Pamilya Laude hinggil sa desisyon ng hukuman na palayain si U.S. Marine Corporal Scott Pemberton sa kasong pagpatay sa Pinay transgender na si Jennifer Laude noong 2014.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na naunang umakto bilang taga-usig ni Pemberton, kabilang sa inihaing mosyon ng dating kasamahang abogado na si Atty. Virgie Suarez ay ang kawalan ng rekomendasyon ng Bureau of Corrections na ito’y mapabilang sa good conduct time allowance (GCTA).
Pangalawa, hindi anila maaaring mapabilang sa GCTA si Pemberton dahil nag-iisa at walang siyang kasama sa kanyang pagkakakulong.
At panghuli, ang kawalan ng jurisdiction ng bansa sa U.S. Marine, kaya’t hindi ito mabibigyan ng GCTA.
Pagdidiin pa ni Roque, bakit nga ba bibigyan ng allowance for good conduct si Pemberton, gayung mga kapwa Amerikano lang naman ang may hawak sa kanya kaya’t hindi masisigurong maayos ang naging asta nito habang nakakulong. —ulat mula kay Jopel Pelenio