Patay ang tatlong rebelde matapos maka-bakbakan ang mga tropa ng pamahalaan sa bayan ng Claveria sa Misamis Oriental.
Kinilala ang mga nasawi na sina Agay Taquin alyas Kerby, Andrew Odiongan alyas Dave, at Joan Pajardo alyas Amirgo.
Ayon kay Lt. Col. Ricky Canatoy, commanding officer ng 58th Infantry Battalion o 58IB ng Phil. Army, ang tatlong gerilya ay mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sinabi ni Canatoy na nagsasagawa ng military operations ang mga sundalo sa Barangay Plaridel nang matunton ng mga ito ang kuta ng mga rebelde at doon na naganap ang sagupaan.
Natagpuan naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang KG9 automatic rifle, isang M16 rifle, isang Carbine rifle, limang makeshift tents, at iba pang kagamitan at dokumento ng mga rebelde.
Samantala, sinabi ni Canatoy na wala namang nalagas sa panig ng militar.