Tatlo sa bawat sampung health care facilities sa Pilipinas ang walang malinis na palikuran.
Batay ito sa report ng World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Emergency Fund Joint Monitoring Program na nagsasagawa ng pag-aaral sa tubig, kalinisan at hygiene ng mga health centers sa buong mundo.
Anila, 23 percent ng mga health care facilities sa bansa tulad ng ospital, klinika at mga health center ay marurumi ang mga palikuran habang 4 percent naman ang wala talagang mga banyo.
Ayon kay WHO Philippine Representative Guindo Weiler, dapat matiyak ng pamahalaan ang pagkakaroon ng malinis na tubig, sanitation at hygiene sa mga health care facilities para sa pangangalaga ng kalusugan ng lahat ng mga Filipino.
Binigyang diin pa ni Weiler ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon para sa pagkakaroon ng access sa tubig, kalinisan at hygiene ng mga health care facilities sa bansa kasunod ng nangyaring krisis sa tubig sa bahagi ng Metro Manila.
Magugunitang kabilang sa mga tinaman ng nangyaring kakulangan sa supply ng tubig sa East Metro Manila ang ilang mga pangunahing ospital tulad ng Rizal Medical Center sa Pasig, National Center for Mental Health sa Mandaluyong, National Kidney and Transplant Institute at iba pa.
—-