Umapela sa pamahalaan ang 3 sa 4 na dinukot sa Samal Island, Davao del Norte na itigil ang military operations at pambobomba sa lugar na kanilang kinalulugaran.
Nito lamang Lunes, October 12, isang video ang in-upload sa Youtube na nagpapakita ng isang grupo na mga armadong kalalakihan kasama ang 3 dayuhan at 1 Pilipina.
Sa naturang video, makikitang nakaupo sa lupa ang apat na hostages habang napapaligiran ng 8 kalalakihang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf na nakatakip ang mga mukha at armado ng mga high-powered na armas at machete.
Unang nagsalita ang Canadian national na si Robert Hall na nagpaabot ng mensahe sa kanyang pamilya at nananawagan na makipagtulungan ang Canadian Embassy sa gobyerno ng Pilipinas.
Nagbigay din ng mensahe ang Norwegian na si Kjartan Sekingstad at John Risdel na kapwa umapela na tulungan sila na agad na mapalaya.
Pagkatapos magsalita ng 3 dayuhan, nagsalita rin sa wikang Ingles ang isa sa mga armadong lalaki at inulit ang kanilang hinihingi sa gobyerno kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
Aniya, oras na itigil na ang mga operasyon laban sa kanila, dito lamang nila bubuksan ang negosasyon para sa kalayaan ng 4 na bihag.
By Meann Tanbio