Labis na ikinadismaya at pinagtaka ng mga senador matapos mabunyag sa pagdinig ng senado na walang CCTV sa mga sabungan sa Maynila; sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas kung saan huling nakita ang mga nawawalang sabungero.
Kinuwestyon ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald Dela Rosa kung paanong walang CCTV sa mga sabungan ng Lucky 8 Star Quest Incorporated gayong bilyung-bilyong piso ang halagang sangkot sa operasyon.
Ikinatuwiran ni Atty. Angelo Nino Santos, pangulo ng Lucky 8 Star Quest na hindi pa naman tuloy-tuloy ang operasyon ng sabungan dahil sa pandemya pero ngayong nagluwag na ay nagpapalagay na sila ng mga CCTV.
Pagdating naman sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna at Lipa, Batangas, sinabi ni Santos na “under construction” pa ang mga gusali kaya’t hindi pa makapaglagay ng mga CCTV.
Una nang inihayag ni Atty. Santos na dati namang walang reklamo at insidente ng pagkawala ng mga sabungero kaya wala silang CCTV pero ngayon anya ay nagpapa-install na sila. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)