Ipinagharap na ng patumpatong na asunto ang may 3 indibiduwal matapos maaresto sa ikinasang entrapment operations kontra loose firearms sa Brgy. Sta. Ana sa bayan ng Pateros.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Director P/MGen. Albert Ignatius Ferro ang mga naaresto na sina Francis Mariano alyas Kambal, John Peter Villamar at Rodel Solomon.
Ang tatlo ay miyembro ng “Loloy Fernandez Group” na sangkot sa ilegal na droga, gunrunning at gun-for-hire sa katimugang bahagi ng Metro Manila at CALABARZON.
Nakumpiska sa kanila ang 74 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit 500,000 piso gayundin ang ilang armas at mga bala.
Sinampahan ang mga suspek ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)