Tatlong kawani ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na nagbabantay sa isang voting precint ang patay matapos pagbabarilin sa bayan ng Buluan, Maguindanao.
Kinilala ni Maguindanao Police Provincial Office Director, Col. Jibin Bongcayao, ang mga biktimang sina Misuari Dimapalao, Sajid Kamama at Tata Bulilo habang sugatan si Jadid Ulangkaya.
Ayon kay Bongcayao, pasado alas-8 kahapon ng umaga nang maganap ang insidente dahilan para kumaripas palayo ang daan-daang botante sa naturang lugar at maantala ang botohan sa Buluan Central School.
Nakasakay sa isang itim na sports utility vehicle ang mga hindi nakilalang salarin nang pagbabarilin ang mga biktima.
Nakikipag-ugnayan na anya ang pulisya sa mga testigo upang matukoy at matunton ang mga nasa likod ng krimen.