Arestado ang tatlong security guard sa lungsod ng Batangas matapos mahuli ng mga awtoridad na kumukupit ng relief goods.
Kinilala ang mga suspek na sina Jhonson Manimtim, Junel Romano, at Junito Mañabo na pawang mga residente ng lungsod.
Ayon kay Batangas Provincial Police Chief Col. Edwin Quilates, nabatid na mga security guard ang mga suspek batay na rin sa nakuha sa nilang identification o ID card.
Dakong 6 a.m. kahapon, Enero 21, nang maaktuhan ang mga ito na kinukulimbat ang mga relief goods sa Batangas Provincial Sports Complex sa Barangay Sta. Rita na nagsisilbi ring evacuation center.
Nakuha ng mga ito ang 2 kahon ng instant noodles, 1 kahon ng sardinas, 19 na piraso ng cup noodles, 12 kilo ng bigas na nakabalot sa plastic at 15 piraso ng mga donasyong damit.
Inihahanda na ang kasong qualified theft para sa mga naarestong sekyu matapos umabot sa mahigit P6,000 ang kanilang nakupit.