Mariing kinondena ng Police Regional Office 10 o Northern Mindanao PNP ang nangyaring pamamaril sa Sitio Pulao, Brgy. VII, Tangub City, Misamis Occidental.
Ayon kay Northern Mindanao Regional Police Director P/BGen. Benjamin Acorda Jr, kabilang sa mga biktima ay sina Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal, Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez at Jason Almonte.
Batay sa inisyal na ulat, nagsasagawa ng Christmas Party ang grupo nila Oaminal sa Business Center sa nabanggit na lugar nang paulanan sila ng bala mula ilang nakatagong sniper.
Tinamaan ng bala ng baril sa batok si Gutierrez habang natalsikan naman ng mga basag na salamin sina Oaminal at Almonte at agad silang isinugod sa ospital.
Kinailangang operahan si Gutierrez sa Misamis Occidental University Medical Center habang nasa ligtas nang kalagayan ang dalawa.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Acorda sa Misamis Occidental Provincial Police Office ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) para tutukan ang imbestigasyon.
Nabatid na tumatakbo sa pagka-bise Gubernador ng lalawigan si Gutierrez habang kumakandidato rin sa pagka-Kongresista ng unang Distrito si Almonte. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)