Tatlong indibiduwal ang nasa likod ng brutal na pagpatay kay retired Court of Appeals Justice Normandie Pizarro.
Ito ang lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), batay na rin sa pahayag ng isang itinuturing nang testigo sa insidente.
Ayon kay NBI Special Task Force Chief Gerald Geralde, nagsagawa na sila ng reenactment sa nangyaring pagpatay kay Pizarro.
Batay sa salaysay ng testigo, tatlong tao ang bumaril kay Pizarro doon mismo sa Barangay Lawis, Capas, Tarlac kung saan natagpuan mismong bangkay nito.
Ani geralde, tiniyak ng mga salarin na matanggal ang lahat ng anumang pagkakakilanlan ni Pizarro tulad ng suot nitong damit, mga daliri at kamay.
Dagdag ni Geralde, batay na rin sa pababang trajectory ng bala, malaki ang posibilidad na nakaluhod o nakaupo si Pizarro nang paslangin.
Lumabas din sa awtopsiya ni Pizarro na nagtamo ito ng isang tama ng bala sa likod at kanang bahagi ng kanyang ulo na lumabas naman sa kaliwang sentido.