Arestado ang tatlong suspek sa umano’y HAJJ Scam na diumano’y nanloko ng mahigit 200 mga Muslim mula sa iba’t-ibang panig ng bansa na nais sanang makilahok sa taunang pilgrimage patungo ng Mecca, Saudi Arabia.
Kinilala ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section ang mga suspek na sina: Salamah Zabala Dibarosan, Alma Sumalang Carreon at Usman Adil Tah.
Ang naturang scam ay nakarating sa kaalaman ng otoridad matapos rumesponde ang MPD sa kaguluhang nangyari kaninang ala 5:00 ng madaling araw sa Sunny Bay Suites Hotel sa Ermita kung saan naka-check in ang tatlong suspek.
Nabatid na sinugod na ng mga galit na mga biktima ang mga suspek dahil hindi sila nakatupad sa pangako na sila ay makakaalis nitong August 25 patungo ng Mecca.
Ayon kay Yusoph Mando, isang Muslim leader na tumulong sa mga biktima, ang mga suspek ay naningil ng tig-50 hanggang 75 Libong Piso para sa bawat tao na nais na magtungo ng Hajj Pilgrimage.
Ang mga narecruit ay galing ng Basilan, Zamboanga del Norte, Cotabato, Davao at General Santos City, Sulu at Maynila na pawang hindi nabigyan ng ticket, passport at visa ng mga suspek para sa kanilang pag-alis.
Nakatakdang sumalang ang mga suspek sa inquest proceedings para sa kasong large scale estafa na isang non-bailable offense.
Sinabi naman ni Chief Inspector Joselito de Ocampo, ang hepe ng MPD-GAIS, na ang grupo ni Dibarosan ay una nang inireklamo ng 40 katao dalawang araw na ang nakakalipas dahil sa kaparehong insidente, pero iniugnay nila sa Basilan Police ang sumbong dahil duon naganap ang transaksyon.
By: Meann Tanbio
SMW: RPE