Ibinunyag ng Philippine National Police na sinadya at plinano simula pa noong Enero ang pagpatay sa negosyanteng si Anson Que.
Ito ayón kay PNP Spokesperson Brigadier General Jean Fajardo ay matapos kumpirmahing hawak na ng PNP-Anti Kidnapping Group ang tatlong suspek sa pagpaslang kay Que at driver nitong si Armanie Pabillo na kinilalang sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista at David Tan Liao.
Ang mga nasabing suspek anya ay sumailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice at kinasuhan na ng tig dalawang count ng kidnapping for ransom with homicide.
Isa sa mga suspek na si David Tan Liao na kilala rin sa aliases na Xiaoxiang Yang, Yang Jianmin at Michael Abadyung ay natukoy na Chinese national at sumuko sa mga otoridad kasunod nang pag amin sa partisipasyon sa pagpaslang kay que at driver nito.
Ipinabatid pa ni Brig. Gen. Fajardo na nakita si Liao sa lugar o sa 345 Martha St., Barangay Langka, Meycauayan, Bulacan kung saan dinala ang mga biktima at pinatay.
Nakilala ang mga suspek sa pamamagitan ng surveillance footage, cyber monitoring at intelligence reports.